Thursday, July 1, 2010

Bansang Progresibo Daw sa Bansang Naghihirap

PROGRESIBO BANG MAITTUTURING ANG BANSANG ITO KUNG ANG IPINAGMAMALAKI PAG-ANGAT NG EKONOMIYA'Y HINDI TUTUGON SA HIGIT NA DUMARAMING BILANG NG MGA PILIPINO?

Kahirapan ang pangunahing suliranin na kinakaharap ng bawat Pilipino sa kasalukuyan.Ito rin ang hamong haharapin ng bagong pangulo ng bansa - si Benigno 'Noynoy' Aquino.Isang malaking hamon na kailangan soslusyunan na matagal nang pasan-pasan ng bawat isang Pilipino. Paano niya ito gagawin kung ang mga nakalipas nang henerasyon ng ibang mga pangulo'y tumiklop sa paglaban sa kahirapan?

Ipinagmamalaki ng dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa kanyang mga advertisements sa kamakailan lamang ang sandamakmak na pagpapatunay sa kanyang mga nagawang imprastraktura, kabuhayan at programa sa ikauunlad ng bansa. Buong ningning niya ring ipinagmamalaki ang pagtaas ng ekonomiya ng bansa sa kabila ng krisis sa pandaigdigang pangangalakal. Subalit may katotohanan bang ang mga ito'y pagpapatunay lamang na nakaaahon na sa kahirapan ang Pilipinas? Isa na ba itong pagpapakilala sa mundo na ang bansa'y may katatagan nang dahil sa kanyang siyam na taong panunungkulan? Ang mga imprastraktura bang kanyang ipinatayo ay buo nang nabayaran sa panahon ng kanyang panunungkulan? Hindi ba't ang karamihan dito'y nagmula sa utang na higit na magpapalubog sa kahirapan ng bansa? Ang 9 na milyong trabaho na kanyang ipinagmamalaki ay tila unti-unti nang nagsiwala sa pag-angat ng unemployment rate sa bansa sa pagtatapos ng kanyang panunungkulan, ibig lamang sabihin nito'y walang katiyakan ang trabahong ibinigay niya sa mga Pilipino pagkat sa dakong huli'y ang ipinalasap niyang sarap ay mauuuwi din sa wala. Iba't ibang programang pambansa ang ninasa niya sa bansa na kung ating sasariwain ay naglubid sa pagkakasangkot niya sa mga anomalyang gawain. PROGRESIBO BANG MAITTUTURING ANG BANSANG ITO KUNG ANG IPINAGMAMALAKI NIYANG PAG-ANGAT NG EKONOMIYA'Y HINDI TUTUGON SA HIGIT NA DUMARAMING BILANG NG MGA PILIPINO? Alalahanin natin na sa bawat isang Pilipinong namamatay ay maraming sanggol ang ipinapanganak. At ang bawat sanggol na ito'y haharap na sa dusa ng kahirapan.

Isang malaking hamon ngayon sa bagong pamahalaan ang mga suliraning IPINAMANA ng naunang administrasyon. Inilagay ni Pangulong Aquino ang kanyang sarili sa kalbaryo at buong lakas na bubuhatin ang krus na nagpapahirap sa bayan. Subalit ang krus na iyo'y magiging magaan kung bawat isa sa atin ay makikibahagi sa pagsulong ng bansa. Kung ninanais nating makaalis sa putik na ating kinasasadlakan sa kasalukuyan, marapat nating ibigay ang TIWALA sa bawat isa. BUKSAN NATIN ANG ATING ISIPAN NA TAYO ANG SASAGOT SA PAG-UNLAD NG BANSA AT HINDI ANG MGA POLITIKONG INILUKLOK SA PUWESTO.


KUNG KAUNLARAN man kung iyong matatawag ang mga bagay na nakikita mo SA IYONG PALIGID LAMANG at hindi sa kabuuan, HINDI masasabing KAUNLARAN ang kahulugan nito. KUNG KASAGANAHAN man ng buhay bilang ISANG INDIBIDWAL LAMANG ang batayan ng kaunlaran sa iyo, muli HINDI ITO ANG PAGPAPATUNAY NG PROGRESIBONG BANSA. Bakit hindi mo tanawin ang buhay ng MILYUN-MILYONG PILIPINO sa buong bansa at SURIIN ang buhay ng bawat isa? Progresibo bang masasabi ang isang bansang naglalarawan ng talamak na kahirapan? Huwag maging makasarili sa buhay na mayroon ka sa halip tapunan mo ng pansin ang kabuuan ng kapwa mo Pilipinong tunay na naghihirap sa kasalukuyan.

Hindi pa huli ang lahat kaibigan, tumulong ka sa pagbabago sapagkat may magagawa ka.

Ika nga ni P-Noy, "KAYO ANG BOSS KO."

No comments:

Post a Comment