Monday, June 28, 2010

Alon sa Dalampasigan

Maalon man ang galit ng mapanganib na dagat,
Kusa rin itong huhupa sa paghalik sa dalampasigan.

Pagkamuhi.

Sama ng loob.

Pagkagalit.

Hinanakit.

Tampo.

Ilan lamang sa mga salitang maglalarawan sa damdamin ng sinumang nakadama ng mabigat na damdamin sa kanyang kapwa. Marahil sa iba't ibang mga dahilan, maibabatay natin ang mga naturang salita sa damdaming naghahari sa ating kalooban. Ngunit, ang damdamin na ito'y hindi marapat maghari sa puso ninuman lalo na't magdudulot ito ng hindi mabuting kahihinatnan sa iba.

 

Sa paglagas ng dahon ng ating panahon, makabubuting bigyan natin ng pagkakataon ang bawat isa ng sapat na oras upang itama ang mga nagagawang kamalian sapagkat ang buhay nati'y hindi perpekto tulad ng inaasahan ng iba. Ang pagkakamali ay maaaring maituwid, hindi man sa ngayon ngunit sa pagdating ng panahon.

 

Kung ito'y bibigyang halaga ng lahat, tiyak na ang mapanganib na alon ng dagat na nararamdaman ng sinuma'y huhupa't hahalik sa pisngi ng dalampasigan....

No comments:

Post a Comment