Malapit nang matapos ang panahon ng kanyang pagrereyna.
Nabibilang na ang araw ng kanyang huling pagpaparamdam sa lahat.
Isang tanda ng kanyang malapit na pamamaalam sa puwesto.
Nakalulungkot isipin na sa kabila ng matagal niyang pamamayagpag sa serbisyo'y namantsahan ng kontrobersiya ang inaasahang magandang pamumuno ng kanyang administrasyon. Kaliwa't kanang pambabatikos ang kanyang natanggap hinggil sa mga isyung ipinupukol sa kanya at sa kanyang mga alagad. Isang patunay na ang dating tinitingalang babaeng ng lahat ay aalis ng nakayukod baon ang masasakit na alaalang naranasan sa kanyang pamumuno.
Subalit, may katotohanan kaya ang mga paratang na ibinibintang sa kanya? Hindi ba't marapat na bigyan ng tamang pag-uusig ang mga isyung idinidikit sa kanyang pangalan upang magkaroon ng patas na pagtitimbang sa mata ng batas?
Tulad ng iba pang administrador, hindi maihihiwalay ang ilang mga suliraning hahamon sa kanyang pamamahala.
Una, ang pagiging ganid sa kapangyarihan na maging ang kanyang mga galamay ay natutuhan na ring maging katulad niya na nagbabakasakaling maiangat ang sarili sa kabila ng hindi matapos-tapos na mga paratang.
Pangalawa, hindi maayos na pamamalakad ng administrasyong marapat sana'y sasagot sa mga hinaing ng kanyang nasasakupan. Sa halip na solusyunan at bigyan ng panaho'y tila yata hinahayaan na lamang kaya't ang resulta'y kaguluhan at kalituhan.
Ikatlo, ang usaping salapi ng administrasyon na ginagamit diumano sa iba't ibang proyektong hindi kaugnay sa departamentong pinagkuhanan ng mga pondo.
Ilan lamang iyan sa mga mabibigat na isyung dapat bigyan ng wastong kasagutan.
Kasagutang magbibigay linaw sa katanungan ng nakararami.
Isang paraan upang maisalba ang sarili sa labis na kahihiyan.
At ngayong nabibilang na ang oras ng ating tagapamuno sa puwestong kanyang kinakapitan, marapat na siyang magnilay-nilay at magtimbang-timbang upang sa muli niyang tutunguhang tahanan ay maisaayos niyang muli ang 'nabasang papel' na kanyang hawak.
Tama ba ako Kuya Noy?
No comments:
Post a Comment