Wednesday, June 16, 2010

KKK - Kapuyatan Kaba Katangahan

Sanhi ng hindi sapatna pagkakatulog sa nakalipas na gabi, pakiramdam ko sa sarili'y tila lumulutang sa alapaap na di mawari. Hindi magawa nang mahusay ang mga gawaing dapat sana'y isasakilos sa ngayon, tulad ng pagbabalot ng banghay-aralin, paggawa ng mga kagamitang biswal at pag-aaral sa leksyong marapat sana'y ganap na napaghandaan.

Binalot pa ng kaba ang dibdib ng mabalitaang may mga nakatataas na opisyal na dumating sa aming paaralan upang mag-obserba at manuri sa mga isyung nagbibigay lumbay sa bumubuo ng paaralan - guro, mag-aaral at maging mga magulang. Nawa'y masolusyunan na ang mga sigalot na naging bunga ng hindi mabuting pagkakaunawaan.

Habang isinusulat ko ang pitak na ito'y may isang nakatutuwang pangyayaring naganap sa akin. Nag-aalala ako para sa mga bago kong mag-aaral sa pamamahayag sapagkat sa oras ng aking klase ay kinakailangan kong maghanap ng silid-aralan para sa kanila. Mahalaga para sa aming masimulan ang paghahanda sa mga inaasahang timpalak na aming sasalihan sa kalagitnaan ng taong pampanuruan. Kung saan-saang lugar na ako nagtungo upang hanapin ang taong maaaring makatulong sa aking suliranin. Halos kalahati na ng oras ng klase ang nawala upang tugunan ang aking problema. Habang abala ako sa paghahanap ng silid para natagpuan ko ang aking hinahanap na tila kadarating pa lamang sa kung saan, kapapasok pa lamang sa opisina at kasalukuyang nagsusulat sa aming log sheet. Isiniwalat ko sa kanya ang aking pakay at nabanggit ang isang solusyon na tutugon sa aking problema. Manaka-naka'y kanyang nabanggit sa akin na ang tala ng aking oras sa isang linggo'y hindi ayon sa nalalaman kong tala. Sa halip, kanyang binitiwan ang ganito, "Wala kayong klase ngayon. Iba ang teacher nila sa oras na ito."

Kapag minamalas ka nga naman...

Sa kabilang banda'y mabuti na rin ang nangyari sapagkat nasolusyunan ko naman ang aking haharaping problema kinabukasan.

1 comment:

  1. Mahirap talaga maging guro.. hayyzz thumbs up sa yo sir!
    KKK! anlupet! syangapala


    follow niyo rin po ako sir..

    oh eto po link
    http://basageksena.blogspot.com/

    ReplyDelete