Thursday, July 1, 2010

Bansang Progresibo Daw sa Bansang Naghihirap

PROGRESIBO BANG MAITTUTURING ANG BANSANG ITO KUNG ANG IPINAGMAMALAKI PAG-ANGAT NG EKONOMIYA'Y HINDI TUTUGON SA HIGIT NA DUMARAMING BILANG NG MGA PILIPINO?

Kahirapan ang pangunahing suliranin na kinakaharap ng bawat Pilipino sa kasalukuyan.Ito rin ang hamong haharapin ng bagong pangulo ng bansa - si Benigno 'Noynoy' Aquino.Isang malaking hamon na kailangan soslusyunan na matagal nang pasan-pasan ng bawat isang Pilipino. Paano niya ito gagawin kung ang mga nakalipas nang henerasyon ng ibang mga pangulo'y tumiklop sa paglaban sa kahirapan?

Ipinagmamalaki ng dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa kanyang mga advertisements sa kamakailan lamang ang sandamakmak na pagpapatunay sa kanyang mga nagawang imprastraktura, kabuhayan at programa sa ikauunlad ng bansa. Buong ningning niya ring ipinagmamalaki ang pagtaas ng ekonomiya ng bansa sa kabila ng krisis sa pandaigdigang pangangalakal. Subalit may katotohanan bang ang mga ito'y pagpapatunay lamang na nakaaahon na sa kahirapan ang Pilipinas? Isa na ba itong pagpapakilala sa mundo na ang bansa'y may katatagan nang dahil sa kanyang siyam na taong panunungkulan? Ang mga imprastraktura bang kanyang ipinatayo ay buo nang nabayaran sa panahon ng kanyang panunungkulan? Hindi ba't ang karamihan dito'y nagmula sa utang na higit na magpapalubog sa kahirapan ng bansa? Ang 9 na milyong trabaho na kanyang ipinagmamalaki ay tila unti-unti nang nagsiwala sa pag-angat ng unemployment rate sa bansa sa pagtatapos ng kanyang panunungkulan, ibig lamang sabihin nito'y walang katiyakan ang trabahong ibinigay niya sa mga Pilipino pagkat sa dakong huli'y ang ipinalasap niyang sarap ay mauuuwi din sa wala. Iba't ibang programang pambansa ang ninasa niya sa bansa na kung ating sasariwain ay naglubid sa pagkakasangkot niya sa mga anomalyang gawain. PROGRESIBO BANG MAITTUTURING ANG BANSANG ITO KUNG ANG IPINAGMAMALAKI NIYANG PAG-ANGAT NG EKONOMIYA'Y HINDI TUTUGON SA HIGIT NA DUMARAMING BILANG NG MGA PILIPINO? Alalahanin natin na sa bawat isang Pilipinong namamatay ay maraming sanggol ang ipinapanganak. At ang bawat sanggol na ito'y haharap na sa dusa ng kahirapan.

Isang malaking hamon ngayon sa bagong pamahalaan ang mga suliraning IPINAMANA ng naunang administrasyon. Inilagay ni Pangulong Aquino ang kanyang sarili sa kalbaryo at buong lakas na bubuhatin ang krus na nagpapahirap sa bayan. Subalit ang krus na iyo'y magiging magaan kung bawat isa sa atin ay makikibahagi sa pagsulong ng bansa. Kung ninanais nating makaalis sa putik na ating kinasasadlakan sa kasalukuyan, marapat nating ibigay ang TIWALA sa bawat isa. BUKSAN NATIN ANG ATING ISIPAN NA TAYO ANG SASAGOT SA PAG-UNLAD NG BANSA AT HINDI ANG MGA POLITIKONG INILUKLOK SA PUWESTO.


KUNG KAUNLARAN man kung iyong matatawag ang mga bagay na nakikita mo SA IYONG PALIGID LAMANG at hindi sa kabuuan, HINDI masasabing KAUNLARAN ang kahulugan nito. KUNG KASAGANAHAN man ng buhay bilang ISANG INDIBIDWAL LAMANG ang batayan ng kaunlaran sa iyo, muli HINDI ITO ANG PAGPAPATUNAY NG PROGRESIBONG BANSA. Bakit hindi mo tanawin ang buhay ng MILYUN-MILYONG PILIPINO sa buong bansa at SURIIN ang buhay ng bawat isa? Progresibo bang masasabi ang isang bansang naglalarawan ng talamak na kahirapan? Huwag maging makasarili sa buhay na mayroon ka sa halip tapunan mo ng pansin ang kabuuan ng kapwa mo Pilipinong tunay na naghihirap sa kasalukuyan.

Hindi pa huli ang lahat kaibigan, tumulong ka sa pagbabago sapagkat may magagawa ka.

Ika nga ni P-Noy, "KAYO ANG BOSS KO."

Monday, June 28, 2010

Alon sa Dalampasigan

Maalon man ang galit ng mapanganib na dagat,
Kusa rin itong huhupa sa paghalik sa dalampasigan.

Pagkamuhi.

Sama ng loob.

Pagkagalit.

Hinanakit.

Tampo.

Ilan lamang sa mga salitang maglalarawan sa damdamin ng sinumang nakadama ng mabigat na damdamin sa kanyang kapwa. Marahil sa iba't ibang mga dahilan, maibabatay natin ang mga naturang salita sa damdaming naghahari sa ating kalooban. Ngunit, ang damdamin na ito'y hindi marapat maghari sa puso ninuman lalo na't magdudulot ito ng hindi mabuting kahihinatnan sa iba.

 

Sa paglagas ng dahon ng ating panahon, makabubuting bigyan natin ng pagkakataon ang bawat isa ng sapat na oras upang itama ang mga nagagawang kamalian sapagkat ang buhay nati'y hindi perpekto tulad ng inaasahan ng iba. Ang pagkakamali ay maaaring maituwid, hindi man sa ngayon ngunit sa pagdating ng panahon.

 

Kung ito'y bibigyang halaga ng lahat, tiyak na ang mapanganib na alon ng dagat na nararamdaman ng sinuma'y huhupa't hahalik sa pisngi ng dalampasigan....

Thursday, June 17, 2010

Bilang Na Ang Oras ng Ating Tagapamuno

Malapit nang matapos ang panahon ng kanyang pagrereyna.
Nabibilang na ang araw ng kanyang huling pagpaparamdam sa lahat.
Isang tanda ng kanyang malapit na pamamaalam sa puwesto.

Nakalulungkot isipin na sa kabila ng matagal niyang pamamayagpag sa serbisyo'y namantsahan ng kontrobersiya ang inaasahang magandang pamumuno ng kanyang administrasyon. Kaliwa't kanang pambabatikos ang kanyang natanggap hinggil sa mga isyung ipinupukol sa kanya at sa kanyang mga alagad. Isang patunay na ang dating tinitingalang babaeng ng lahat ay aalis ng nakayukod baon ang masasakit na alaalang naranasan sa kanyang pamumuno.

Subalit, may katotohanan kaya ang mga paratang na ibinibintang sa kanya? Hindi ba't marapat na bigyan ng tamang pag-uusig ang mga isyung idinidikit sa kanyang pangalan upang magkaroon ng patas na pagtitimbang sa mata ng batas?

Tulad ng iba pang administrador, hindi maihihiwalay ang ilang mga suliraning hahamon sa kanyang pamamahala.

Una, ang pagiging ganid sa kapangyarihan na maging ang kanyang mga galamay ay natutuhan na ring maging katulad niya na nagbabakasakaling maiangat ang sarili sa kabila ng hindi matapos-tapos na mga paratang.

Pangalawa, hindi maayos na pamamalakad ng administrasyong marapat sana'y sasagot sa mga hinaing ng kanyang nasasakupan. Sa halip na solusyunan at bigyan ng panaho'y tila yata hinahayaan na lamang kaya't ang resulta'y kaguluhan at kalituhan.

Ikatlo, ang usaping salapi ng administrasyon na ginagamit diumano sa iba't ibang proyektong hindi kaugnay sa departamentong pinagkuhanan ng mga pondo.

Ilan lamang iyan sa mga mabibigat na isyung dapat bigyan ng wastong kasagutan.
Kasagutang magbibigay linaw sa katanungan ng nakararami.
Isang paraan upang maisalba ang sarili sa labis na kahihiyan.


At ngayong nabibilang na ang oras ng ating tagapamuno sa puwestong kanyang kinakapitan, marapat na siyang magnilay-nilay at magtimbang-timbang upang sa muli niyang tutunguhang tahanan ay maisaayos niyang muli ang 'nabasang papel' na kanyang hawak.

Tama ba ako Kuya Noy?

Wednesday, June 16, 2010

KKK - Kapuyatan Kaba Katangahan

Sanhi ng hindi sapatna pagkakatulog sa nakalipas na gabi, pakiramdam ko sa sarili'y tila lumulutang sa alapaap na di mawari. Hindi magawa nang mahusay ang mga gawaing dapat sana'y isasakilos sa ngayon, tulad ng pagbabalot ng banghay-aralin, paggawa ng mga kagamitang biswal at pag-aaral sa leksyong marapat sana'y ganap na napaghandaan.

Binalot pa ng kaba ang dibdib ng mabalitaang may mga nakatataas na opisyal na dumating sa aming paaralan upang mag-obserba at manuri sa mga isyung nagbibigay lumbay sa bumubuo ng paaralan - guro, mag-aaral at maging mga magulang. Nawa'y masolusyunan na ang mga sigalot na naging bunga ng hindi mabuting pagkakaunawaan.

Habang isinusulat ko ang pitak na ito'y may isang nakatutuwang pangyayaring naganap sa akin. Nag-aalala ako para sa mga bago kong mag-aaral sa pamamahayag sapagkat sa oras ng aking klase ay kinakailangan kong maghanap ng silid-aralan para sa kanila. Mahalaga para sa aming masimulan ang paghahanda sa mga inaasahang timpalak na aming sasalihan sa kalagitnaan ng taong pampanuruan. Kung saan-saang lugar na ako nagtungo upang hanapin ang taong maaaring makatulong sa aking suliranin. Halos kalahati na ng oras ng klase ang nawala upang tugunan ang aking problema. Habang abala ako sa paghahanap ng silid para natagpuan ko ang aking hinahanap na tila kadarating pa lamang sa kung saan, kapapasok pa lamang sa opisina at kasalukuyang nagsusulat sa aming log sheet. Isiniwalat ko sa kanya ang aking pakay at nabanggit ang isang solusyon na tutugon sa aking problema. Manaka-naka'y kanyang nabanggit sa akin na ang tala ng aking oras sa isang linggo'y hindi ayon sa nalalaman kong tala. Sa halip, kanyang binitiwan ang ganito, "Wala kayong klase ngayon. Iba ang teacher nila sa oras na ito."

Kapag minamalas ka nga naman...

Sa kabilang banda'y mabuti na rin ang nangyari sapagkat nasolusyunan ko naman ang aking haharaping problema kinabukasan.

Tuesday, June 15, 2010

Bagong Kabanata...


Isang bagong kabanata ng buhay bilang isang guro ang aking hinarap ngayong araw. Sa kabila ng mahabang bakasyon at kasabay ng makasaysayang eleksyon noong nakalipas na buwan, muli akong nagbalik sa propesyong aking ikinabubuhay - ang pagtuturo.

Nag-umpisa ang aking araw sa muling pakikisalamuha sa aking mga kasamahang guro sa paaralan na masusing nagbabantay sa mga bago at datihang mag-aaral. Napag-usapan ang bagong buhay na naghihintay sa aming kapalaran ngayong taong ito. May mga kasamahan akong nakapagpahayag ng negatibong pag-uugali sa mga mag-aaral sa taong ito. May pag-aanalisa pa nga na kung saan ang mga mag-aaral raw ay tila humihina na kumpara sa mga nakalipas na taon.

Bagamat may katotohanan. Isang hamon pa rin kung maituturing sa hanay ng mga kaguruan ang mga negatibong katangian ng mga kabataan sa kasalukuyan. Naniniwala akong sa mahusay na paggabay sa mga batang ito, maitutuwid ang mga mali nilang nakagawian at pag-uugali.

Nakadaupang-palad ko na ang aking mga hahawakang klase kaninang umaga, ang IV-Einstein at ang IV-Aristotle. At sa aking pakiwari ay makakaya naman ng mga pangkat na ito ang hamon ng buhay sa Ikaapat na Taon. Nakakalungkot lamang isipin na ang nakasanayan kong mag-aaral sa mga nakalipas na taon ay hindi malayong maikukumpara sa mga kabataang ito subalit nananalangin akong mahigitan nila ang mga naunang pangkat.

Sa mga bago kong mag-aaral at mga kaguro, nawa'y maisakatuparan natin ang ating mga layunin sa taong ito sa gabay ng Panginoon.